top of page
Siya na nga ba?,
March 2017

Sa mga magulang at ibang nagmamalasakit:

     Malamang pare-parehong tayong may dalawang isip sa usapin ng sex. Sa isang banda, alam nating sa sex galing ang mga anak na mahalaga sa atin, at normal na parte din ito ng pagpapadama ng pagmamahal. Sa kabilang banda, nag-aalala tayo sa ilang kapahamakang kadikit din ng sex: maagang pagbubuntis, impeksyon, rape at iba pa. Sa babasahing ito na para sa mga teenager, sinikap naming balanseng ihayag ang kabilaang mukha ng sex.

     Alam naming mahirap sa kulturang Pilipino ang paguusap tungkol sa sex. Halata ito kahit sa salita lang. Halimbawa, madalas marinig ang “ginamit ako” o “ginamit ko siya” sa usapang sex. Nakakalito dahil sex nga ba ang pinag-uusapan? Kusa ba ang nangyari o pinilit lang? Higit pa, nakakababa ang salita. Ang gamit ay bagay na nasa buong kontrol natin: ginamit ko ang sabon, ginamit ko ang basahan, at iba pa. Hindi naman tama na ituring na gamit ang sinumang tao.

     Kaya sinadya naming maging malinaw sa babasahing ito. Hindi para mambastos, kundi para magkaintindihan. Para malayo sa kapahamakan, kailangang magkaintindihan. Sinikap din naming ilagay dito ang pinakabago’t tamang impormasyon mula sa iba’t ibang eksperto tulad ng World Health Organization, US Center for Disease Control, Philippine Statistics Authority at iba pa. Gayunpaman, kami ang may sagutin sa nilalaman nito. Kaya hinihikayat namin kayong magpadala ng anumang puna, mungkahi, tanong o reklamo sa amin. Maraming salamat po.

Paano ko malalaman kung siya na nga talaga?

   Tanong ito ng maraming kabataan. Yung may kaba pa lang sa isang taong nakikita, o nag-iisip umoo na sa nanliligaw, o natutuksong itaas pa ang antas ng kanilang relasyon. Mahirap sagutin, dahil panahon lang talaga ang makapagsasabi. Panahon na makilala mo siya’t makilala ka niya. Panahon na mag-away kayo’t magkasundo, magsigawan at magkuwentuhan. Ang maganda sa tulad mong kabataan, sagana ka sa panahon. Magagamit mo ito para lubos muna siyang kilalanin.

   Tinatawid ng teenager ang mga taon mula childhood tungo sa adulthood. Natural na lumalampas na sa kapamilya ang mga taong mahalaga sa iyo: mga kaibigan, ilan o iisang taong type mo. Pero matuon man sa iisang tao ang pagtingin mo, huwag mong akalain agad na kayo na nga, na nagmamahalan na kayo.

   Sa TV o sine, may love song na tutugtog para senyales ng pag-iibigan. Walang background music sa tunay na buhay. Hindi ganoon kadali malaman.

Hindi kaya napag-iiwanan na ako ng panahon?

   Mahalaga sa mga teenager na makibagay sa mga kaedad. Usong damit, musika, salita, idolo’t libangan. Normal lang ito, bahagi ng pagsali sa mundong mas malawak sa pamilya.

   Kung makikiuso ka lang, nakakalito kung saan o kanino. Sa kuwento sa TV o sine? Sa akala mong ginagawa ng iba? Sa iilang nagkukuwento ng sex life nila? Pero paano mo malalaman kung ano ang totoo at ano ang pambobola lang?

   Madaling akalaing usong-uso ang sex sa kabataan. Pero ayon sa mga survey ng gobyerno, hindi ito totoo sa Pilipinas. Babae man o lalaki, mga 2 sa bawat 10 pa lang ang nakipag-sex na sa edad na 18, at 4 sa bawat 10 sa edad na 20. Mababa ito kumpara halimbawa sa US, na 7 sa bawat 10 ang nakipagsex na sa edad na 19.

   Madaling makiuso sa damit at musika, pero mahirap makiuso lang sa relasyon at sex. Mas malaki ang tsansa mong maging masaya’t ligtas kung galing sa isip mo ang desisyon at nabigyan mo ng sapat na panahon.

Bakit marami pa ring teenager ang nabubuntis?

   Wala nga sa kalahati ang teenager na nakikipag-sex, pero karamihan nama’y walang mabisang kontraseptibo (“family planning”), gaya ng implant, injectable, IUD, pills, condom at iba pa. Sa teens na may asawa o partner na, 21% lang ang gumagamit pero 65% ang ayaw pang magkaanak. Sa mga single na nakikipag-sex, 23% ang umaasa sa withdrawal—na madalas pumalya—at 19% lang ang may gamit na modernong kontraseptibo. Kung hindi makahinto muna sa pag-sex, dapat sana’y may mabisang kontraseptibo lahat, dahil malamang walang single na teenager na gusto nang magkaanak.

   Sa 10 teenager, 8-9 ang mabubuntis sa loob ng 1 taong pakikipag-sex na walang kontraseptibo. Ibig sabihin, sex na nilalabasan ang lalaki sa ari ng babae (pumapasok ang sperm cells ng lalaki at nagkakatsansang sumanib sa egg cell ng babae). Pagka-puberty, posible na ang pagbubuntis. Ilang tanda ng puberty ang paglabas ng bulbol o pubic hair, regla ng babae at semen ng lalaki.

   Kung gagamit ng pills o injectables nang tama’t sigesige, o kung magpapa-implant o IUD, wala pang 1 sa 100 ang mabubuntis sa 1 taon. Siyempre kung titigil muna sa pakikipag-sex, tiyak na hindi mabubuntis. Nasa pahina 10 ang iba't ibang mga kontraseptibo.

   Isyu ng mga maralita ang teen pregnancy: tatlo't kalahating ulit na mas maraming teenage na ina sa mahihirap kumpara sa mayayaman; at doble sa nakaelementarya lang kumpara sa naka-highschool o higit. Dahil buntis, nahihinto sa pag-aaral at agad na lumalaki ang gastos, mga bagay na may malaking kontribusyon sa kahirapan. At dahil mahirap o kapos sa pag-aaral, kulang sa kaalaman o kakayahang umiwas sa pagbubuntis.

Ano, ok nang makipag-sex basta may kontraseptibo?

   Hindi. Mahalaga ang kontrasepsyon, lalo sa mga teenager na ayaw pa namang magkaanak. Pero hindi yun sapat. May mga dapat at hindi dapat sa sex. Nasabi na yung ilang mga dapat, tulad ng matalinong paggamit ng panahon, pagkilala nang mabuti sa nagugustuhan mo, at paggamit ng sariling isip. Eto naman yung ilang hindi dapat sa usapin ng sex:

Hindi ka dapat mapuwersang mag-sex. Krimen na rape ito. Bukod sa puwersa, rape din kung nagawa ang sex dahil sa banta, pananakot, panloloko, o pagabuso ng awtoridad; kung wala kang malay o tamang pag-iisip (halimbawa lasing ka o apektado ng gamot o droga); kung mababa sa 12 ang edad mo; at iba pa.

   Puwede kang ma-rape kahit ng boyfriend o ka-date. Kahit pumayag kang makipaghalikan o sumama sa bahay, rape pa rin kung naipilit ang sex na labag sa loob mo. Magsabi sa pinagkakatiwalaan mo, kahit di ka tiyak sa nangyari. Alam ng ilang Women and Children’s Protection Unit ng pulis o ospital ang pagbibigay ng emergency contraceptives para mapaliban ang obulasyon at hindi ka mabuntis, pero kailangang kumilos bago lumampas ang 5 araw. Mabuting agapan din ang posibilidad ng impeksyon.

Hindi ka dapat mabuntis kung di mo pa gusto. May panganib sa nanay at sanggol ang lahat ng pagbubuntis at panganganak, anuman ang edad. Pero mas bata ang ina, mas delikado, dahil hindi pa sapat ang tubo ng katawan. Mga 15% (o 1 sa 7) ang nagkakaseryosong kumplikasyon—yung kailangang maospital. Sa Pilipinas, mga 2 sa 1,000 ang namamatay. Kung mas bata sa 16 ang edad, 4 na beses mas mataas ang panganib mamatay, ayon sa World Health Organization.

   Apektado rin ang pag-aaral ng buntis na teenager. Paglabas ng sanggol, tuloy-tuloy na sagutin na ng mga teenager na magulang ang pagsustento, pag-aalaga at paggabay sa anak.

   Dahil walang kontraseptibo na 100% ang bisa, dapat tanggapin ng magpartner ang tsansa ng pagbubuntis. Para lumiit ang tsansa nito, mas mabuting piliin ang pinakamabisang paraan, at gamitin yun nang tama at sige-sige. Lalo pang liliit ang tsansang mabuntis kung parehong gagamit—halimbawa pills sa babae at condom sa lalaki—tulad ng kalakaran sa maraming bansa sa Europe. Kung hindi mo matanggap ang posibilidad ng pagbubuntis, pinakamabuting huwag munang mag-sex o itigil kung nasimulan na.

Hindi ka dapat magkaimpeksyon. Maraming klase ng sexually transmitted infection o STI, mga sakit mula sa bacteria, virus at maliliit na organismong naipapasa ng magkatalik. Mas maraming katalik, mas delikadong mahawa. Eto ang ilang pinsala na dulot ng STI:

  • Gonorrhea at chlamydia: puwedeng makabaog, laluna sa babae, at minsan rin sa lalaki.

  • Hepatitis virus: may ilang sa pakikipagsex nakukuha, tumatagal sa katawan at sumisira sa atay.

  • HIV (human immunodeficiency virus): inaatake nito ang immune system. Kung masira nang husto, hahantong sa AIDS. Nakakamatay ang AIDS. May mga gamot na nakakabawas sa dami ng HIV, pero hindi sila ganap na napapawi.

  • HPV (human papillomavirus): ang ilan ay nagdudulot ng kulugo o nagpapataas sa panganib ng cancer sa cervix.

  • Syphilis: nakakapinsala ito ng maraming organo tulad ng utak, nerves, mata, puso, ugat, atay, buto at iba pa.

 

   Kung magbuntis at manganak habang may STI, puwedeng mahawa ang sanggol at mapinsala o mamatay. Pinakamabisang paraan ng pag-iwas sa STI ang hindi pakikipag-sex, o pagtiyak na kayong magpartner lang ang katalik ng isa’t isa at pareho kayong walang STI. Mabisa rin ang tama at palaging paggamit ng latex na condom.

Hindi ka dapat makipag-sex dahil lang sa tulak ng iba. Sa kalalakihan, may social pressure na patunayan ang pagkalalaki, at karanasan sa sex ang sukatan. Sa kababaihan naman, nangyayari ding ginagamit ng boyfriend na sukatan ng pagmamahal ang pagpayag ng girlfriend sa sex. Kapag nakipagsex na ang babae, puwedeng umandar din ang paniniwalang “tumayo kung saan nadapa”—ituloy-tuloy na ang sex sa nasabing partner dahil siya na dapat ang mapangasawa.

Mali ang mga pag-iisip na ito. Malalagay ka sa iba’t ibang panganib, dahil lang sa sinasabi ng iba. Masisira ang kakayahan mong mag-isip at magdesisyon para sa sarili kung susunod ka lang sa udyok ng iba. Ikaw naman ang tatamaan, hindi sila. At maaaring pasanin mo nang matagal ang anumang problema, dahil may epekto ito sa kalusugan, pag-aaral, kabuhayan, magiging anak at relasyon sa mga mahal mo sa buhay.

Magtatalon daw tapos mag-sex para di mabuntis. Totoo ba ‘to?

   Hindi. May mga sabi-sabing paraan na wala talagang epekto. Sa simula lang akala mabisa, pero sa kalaunan nabubuntis din. Ang totoo, katumbas lang ito sa walang ginagamit—85% ang tsansang mabuntis kung mag-sex nang isang taon. Eto ang ilan sa kanila:

Pagtalon o paghuhugas sa loob ng ari ng babae pagkatapos mag-sex. Akala siguro kaya pang pigilan ang pagpasok ng mga sperm cells. Pero milyunmilyon ang sperm kaya hindi matatanggal lahat; lumalangoy gamit ang buntot kaya nakakalakbay kahit tumalon o tumayo ang babae; at maliit sila kaya kung fertile ang babae, mabilis na nakakapanuot at nakakalampas sa cervix. Hindi naaabot ng panghugas ang lugar na lampas sa cervix. Sa ilang pag-aaral, may sperm cells na sa Fallopian tubes 5-10 minuto pagkasex. Doon nagaganap ang fertilization.

Pag-ihi matapos makipag-sex. May sariling tubo ang ihian na papuntang pantog. Hindi ito bahagi ng internal sex organs ng babae. Hindi dito papunta ang sperm cells, kaya walang anumang bisa ang pag-ihi.

Pag-inom ng Cortal at Coke pagkatapos mag-sex. Ordinaryong aspirin ang Cortal, at

walang anumang bisa para pigilan o pahintuin ang pagbubuntis. Sa mga sumubok at

nagpapatotoo, malamang natitiyempuhan lang nilang hindi fertile ang babae nang mag-sex.

Withdrawal o rhythm daw ang gamit ng iba. Ano ba yun?

   May mga paraan na bahagya lang na epektibo. Sa mga teenager na malayo pa ang planong magkaanak, mas bagay na hindi muna makipagsex o gumamit ng epektibong paraan kaysa umasa sa mga ito:

Withdrawal. Hinuhugot ng lalaki ang ari niya (penis) para hindi labasan sa loob o bukana ng ari ng babae (vagina). Madalas pumalya ito. Sa 100 na gagamit, 27 ang mabubuntis sa loob ng isang taon. Mahirap i-timing ang paghugot, laluna sa bago pa lang nakikipag-sex. Tapos, may ilang milyong sperm ang kahit isang patak lang ng semen ng lalaki.

Rhythm method. Umiiwas mag-sex sa mga araw na pinaka-fertile ang babae. Kung regular ang menstrual cycle, may di-bababa sa 8 araw na dapat iwasan. Kung paiba-iba, dadagdagan pa ang mga araw na iiwasan. Bago umasa sa rhythm, dapat itala muna nang 6 na buwan ang menstrual cycle. Hindi ito bagay sa teenager na kasisimula magregla dahil karaniwa’y iregular pa sa unang mga taon. Sa 100 na gagamit ng rhythm method, 25 ang mabubuntis sa isang taon. Madaling magkamali kung anong mga araw ang iiwasan. Puwede ring magbago bigla ang menstrual cycle. Ibig sabihin, mapapaaga o mapapahuli ang fertile na panahon at puwedeng matapatan ng pakikipag-sex. Halimbawa, kung mag-23 araw ang cycle, fertile ka kahit may regla pa.

Mababaog daw kung maagang gagamit ng kontraseptibo?

   Hindi. Sa family planning guide ng World Health Organization (WHO), sinabi nitong “ligtas para sa kabataan ang lahat ng kontraseptibo.”

   Puwedeng mabuntis agad pagtigil ng pills, IUD, implant o condom; at 1–4 na buwan pagtigil ng injectable DMPA. Sa isang pag-aaral sa Europe (2009) ng 2,064 na babae, 79% ang matagumpay na nagbuntis 1 taon mula tumigil magpills; 21% sa kanila ang buntis agad pagkaraan ng 1 buwan.

  • Hindi totoong may butas ang condom na kayang lusutan ng impeksyon o semilya

  • Hindi totoong sanhi ng cancer ang pills

  • Hindi totoong naiipon ang regla dahil sa injectables at implant

  • Hindi totoong kinakalawang ang IUD

 

Kung may mga tanong ka pa sa kaligtasan ng mga kontraseptibo, basahin ang isa pang booklet namin: ang

“Kinabukasan Isipin, Family Planning Aralin.”

Mabisa o gumagana ba agad ang mga kontraseptibo?

   Depende sa kontraseptibo. Para sa ngayon pa lang gagamit at may rasonableng katiyakan na hindi buntis, eto ang maikling sagot (kung gagamit na ng tuloy-tuloy, mahalagang kumonsulta sa health worker nang personal o sa telepono):

Combined pills: tulad ng Lady, Nordette, Seif, Trust Pill at iba pa. Kung hindi makapunta sa klinika namin para sa libreng supply, mabibili ito sa halagang mas o menos ₱50 sa botika kung pipili nang mabuti.

   Mabisa agad kung mauumpisahan sa unang 5 araw ng regla. Kung lampas na ng 5 araw, kailangang magcondom o hindi muna mag-sex sa unang 7 araw ng paginom ng pills. Kailangan araw-araw uminom para manatiling mabisa.

Minipills o POPs: tulad ng Daphne, Amber, Exluton at iba pa. May libreng supply din nito sa klinika. Sa botika, mas o menos ₱140 ang halaga nito. Mabisa agad kung mauumpisahan sa unang 5 araw ng regla. Kung lampas na sa ika-5 araw, kailangang mag-condom o hindi muna mag-sex sa unang 2 araw ng pag-inom ng pills. Para manatiling mabisa, kailangang araw-araw at pareho sa oras ang pag-inom. Huwag paabutin ng 3 oras ang pagkahuli.

Condom. Mabisa kaagad kung susundin ang tamang paggamit. Halimbawa, dapat ilagay na bago pa mag-sex, hugutin habang matigas pa ang ari ng lalaki. Nasa karton o pakete ang detalyadong direksyon sa tamang paggamit.

Injectable DMPA. Mabisa agad kung maiiniksyunan sa unang 7 araw mula sa simula ng regla. Kung lampas na sa ika-7 araw, kailangang mag-condom o hindi muna magsex ng 7 araw pagka-iniksyon. Para manatiling mabisa, kailangang ulitin tuwing 3 buwan.

Implant. Sa Implanon, mabisa agad kung mailalagay (sa ilalim ng balat) sa unang 5 araw mula sa pagregla. Kung lampas na sa ika-5 araw, kailangang mag-condom o hindi muna mag-sex ng 7 araw pagkalagay. Mabisa ang Implanon hanggang 3 taon.

IUD na may copper. Mabisa agad pagkalagay sa loob ng matris. Kung lampas 12 araw sa simula ng regla, dapat lang may rasonableng katiyakan na hindi buntis. Hindi kailangan ang condom o ibang back-up.

Para sa dagdag pang impormasyon tungkol sa mga kontraseptibo, basahin ang isa pang booklet namin: “Kinabukasan Isipin, Family Planning Aralin.”

bottom of page