Panibagong lakas ng Kabataan sa Tondo: ang Pagbuo ng SamaKaD1To

Paghahanda ng kabataan sa magaganap na unang General Assembly ng organisasyong SamaKaD1To
Noong March 11, 2023, naganap ang kauna-unahang General Assembly ng kabubuong organisasyon ng kabataan na tinatawag na ”Samahan ng Kabataan sa District 1” o SamaKaD1To. Mula sa pakikipagkonsulta sa masisipag at maaasahang mga kabataan na nagmula sa tatlong Barangay ng Tondo (Brgy. 128, Brgy. 105 at Brgy. 20) lumitaw ang iba’t-ibang mga isyu na kinakaharap ng mga kabataan sa komunidad lalo sa usaping SRHR (Sexual and Reproductive Health and Rights), halimbawa ang Teenage Pregnancy at STI o pagkakaroon ng sakit na nakukuha sa pakikipagtalik. Nadagdagan rin ang kanilang pag-unawa tungkol sa mahalagang papel nila bilang CHP o Community Health Promoters ng Likhaan.
Ayon kay Charles Acido, unang presidente ng SamaKaD1To, hindi naging madali ang proseso sa pagbuo ng samahang ito sapagkat karamihan sa kanilang mga miyembro ay pawang mga estudyante. Sa nangyaring General Assembly, napagkasunduang tutukan na isyu ay SRHR, dahil karamihan sa mga kabataan ay maagang nabubuntis. Dagdag na SRHR usapin ang pagtaas ng kaso ng HIV sa kabataan, kasama na sa edad 10-19.
Pangalawa ay ang usaping Mental Health, isa sa problemang nararamdaman nang mas maraming kabataan pero nababalot sa stigma o pagkutya. Dahil dito, ang mga kabataan ay natatakot na magpahayag ng kanilang totoong nararamdaman sa takot na sila ay maaaring mahusgahan na ”umaarte lang”.
Ikatlong usapin ang laganap na pagkalat at pagkalulong ng kabataan sa maling impormasyon at mapanliit at marahas na mga imahen sa social media, hal. Facebook, Twitter, at Instagram. Natutunan nila na hindi sapat ang kanilang kaalaman sa pagsuri at pag-iba ng tama at maling impormasyon at ang epekto ng cyberbullying sa kabataan, lalo na sa kababaihan at LGBTQIA+.
Madaming nais gawing hakbang ang SamaKaD1To, gaya ng pagbibigay ng impormasyon sa kasiya-siyang paraan at paglalapit ng serbisyo sa mga kabataan sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga pasilidad at nanunungkulan. Malaking hamon sa kanila ang kawalan ng pondo sa ngayon upang masimulan ang mga gawain ngunit hindi ito magiging hadlang para sa kanila sa pagkilos sa kanilang layunin na mapainam ang kanilang kapwa kabataan sa Distrito-Uno ng Tondo, Manila.
Bagamat hindi nakarating sa General Assembly si Dr. Junice Melgar, executive director ng Likhaan pinaabot nya ang kanyang mensahe ng pagsaludo: ’Palakasin ang sariling mga kakayanan. Arugaan ang inyong pagnanasang makatulong sa iba at sa ating bayan!’.