Pangungulila para kay Lualhati Bautista
Updated: Apr 11

Nananatiling biyak ang puso ng marami sa amin dahil sa pagpanaw ng isang minamahal na kabarong lodi, si Lualhati Bautista. Si Lualhati ang katangi-tanging manunulat na binabasa ng maraming kababaihan sa komunidad dahil sapol nya sa kanyang mga kwento at kataga ang tunay at walang pagtatagong mga kaganapan sa kanilang buhay. Sa kanyang mga sinulat, tampok ang iba-ibang pang-araw-araw na usaping hinaharap ng maliliit ka bababaihan – gutom, militarisasyon, relasyong mag-asawa, buhay-nanay, paghihiwalay, pambubugbog, prostitusyon, aborsyon, atbp. Tampok sa mga kwento nya ang malalakas, matatapang, at kayang-mag-isang mga bidang babae.
Dahil sa parehong pananaw sa paging pantay ng kababaihan, demokrasya at panlipunang hustisya, naging masugid kaming tagahanga ni Lualhati. Pagkatatag ng Likhaan (1995), naglagay kami ng “Lualhati collection” (mga librong Dekada ’70, Gapo, Bata, Bata, Paano ka Ginawa? at video ng sineng, “Bata, Bata, Paano ka Ginawa?) sa aming community-based libraries. Bahagi ng pagpapamulat tungkol sa kalayaan, kalayaang magpasya sa sarili ng kababaihan, kasama ang magpasiya sa sariling katawan.
Bandang 2000, may isang especial kaming hiling kay Lualhati, na kaagad nyang pinaunlakan.
Matapos ang isang pagsalisik tungkol sa karanasan ng 30 kabababaihang nagpalaglag, inisip naming ang pinaka-epektibong pagpadama sa resulta nito ay sa pamamagitan ng popular na edukasyon. Hiniling namin kay Lualhati na gawing dula ang mga kuwento. Ang resulta ay Buhay Namin, isang musikang-dula tungkol sa masalimuot na karanasan ng kababaihan sa kanilang relasyon, pagbubuntis, at pagpapalaglag.
Sa dula, naipaunawa ni Lualhati kung bakit madalas hindi hawak ng babae ang pagpasya tungkol sa kanyang buhay at kalusugan, at kung paano nalalagay ang buhay nila sa peligro dahil iligal ang aborsyon sa Pilipinas.
Dagdag sa dula, sumulat din si Lualhati ng 3 maikling nobela tungkol sa aborsyon:
Hugot sa Sinapupunan
(https://www.goodreads.com/book/show/59636846-hugot-sa-sinapupunan),
Desisyon
(https://www.goodreads.com/book/show/59636748-desisyon?ref=nav_sb_ss_1_9),
at Ang Kabilang Panig ng Bakod
(https://www.goodreads.com/book/show/44104336-ang-kabilang-panig-ng-bakod).
Sa mga nobelang ito malakas ang boses ng kababaihan na naggigiit sa pagpapalaglag bilang bahagi ng kanilang buhay; kung saan ang pagbawal dito sa batas ay maituturing na pagkait sa kanilang buhay.
Ang mga makababaeng mga ideya at buhay ni Lualhati ay inspirasyon sa panahon ng pagdadalamhati sa kanyang pagkawala; at isang malakas na mensahe, sa mga nagnanais ng pagbabago sa lipunan.
Sa mga kabaro, ito ang sinabi niya sa Dekada ’70:
Ang babae, talian man ang katawan o suutan ng chastity belt, ay may uri ng kalayaang hindi mananakaw ng kahit sino; ang kalayaan nyang mag-isip.
Narito ang google drive link ng mga obra ni Lualhati Bautista:
