Bukas na Liham sa CBCP Hinggil sa RH

Share this

Ika-27 ng Pebrero 2011

Sa kagalang-galang na mga obispo ng CBCP,

Kapayapaan. Pumunta kami sa inyong tanggapan hindi upang manggulo, at hindi rin upang magsumamo. Narito kami upang maghatid lamang ng isang simpleng mensahe.

Labing-isang kababaihan ang namamatay bawat araw sa pagbubuntis at panganganak, isang tuloy-tuloy na trahedya na kaya sanang tapusin ng RH bill na inyong hinaharangan.

Batid namin na mula sa isang papal encyclical ang inyong pagtutol. Hindi namin inaasahang mababago ninyo ang encyclical na ito.

Hindi rin namin inaasahang titigil kayo sa pagsasalita sa mga usapin ng ating bayan, kahit pa maraming tao ang hindi umaayon sa inyo.

Pero inaasahan naming magmalasakit kayo bilang kapwa Pilipino na nangangaral tungkol sa pagmamahal, laluna ng pagmamahal sa maralita. Sa kabila ng inyong mataas na katayuan sa lipunan, inaasahan naming igalang ninyo ang karapatan ng iba na hindi umaayon sa inyo. Inaasahan namin na kahit kayo'y puro mga lalaki, natuto kayo ng pagkalinga at pakikiramay sa inyong mga ina, kapatid na babae at kaibigang babae.

Kasama ang mga kaalyado't kaibigan, kami ay mahigit isang libong kababaihan, karamihan mula sa mga masikip at sanga-sangang eskinita ng Kamaynilaan. Kung kaya lang namin kayong patirahin sa aming mga tagpi-tagping tahanan; bahagian ng katiting na pagkaing pinagkakasya namin sa araw-araw; ilantad sa marangal na buhay ng mga kapitbahay na gumagamit ng kontraseptibo; ipakausap sa mga anak na nangungulila sa kanilang nanay na namatay sa komplikasyong maternal—gagawin namin para magbukas kayo ng isip sa pangangailangan namin sa RH.  Pero imposibleng mangyari ang mga ito, kaya't kami na ang pumunta sa inyo.

Masakit pakinggan ang pagmamaliit ninyo sa namamatay na ina. Nadinig na namin mula sa inyong hanay ang pambabara na mas marami ang namamatay sa ibang sakit; na hindi naman sakit ang pagbubuntis; na mas maraming importanteng bagay na dapat gastusan ng pamahalaan; na mas mahalaga ang baka-sakaling nagsanib na semilya't itlog kaysa sa buhay ng babae.

Ilan ba ang kailangang mamatay bago kayo maantig?

May isang kasabihan na maaaring pinaniniwalaan ninyo rin: Ang sinumang magligtas sa isang buhay ay para na ring nagligtas sa buong mundo. Hayaan ninyong ikuwento namin ang tunay na buhay ng isang ina na maaari sanang nailigtas ng mga programang nasa RH bill.

Si Olivia ay tahimik na babae, hindi palalabas, naninirahan sa maralitang komunidad sa Barangay Tonsuya, Letre, Malabon. Labing-walo pa lang siya ay nakapag-asawa na, at sa loob lamang ng ilang taon ay umabot na sa siyam ang anak. Dahil kapos sa pera, sa bahay siya nanganak sa kanyang ika-sampu, katuwang ang isang hilot. Naisilang nang buhay ang kanyang bunso; pero pagkatapos ay dinugo nang matindi si Olivia.

Pinapakain pa siya noon ng kanyang panganay na si Abigail, labing-tatlong taong gulang. Ayon sa paiyak na salaysay ni Abigail, umayaw na si Olivia sa pagkain, natapon ang pinapainom sa kanya, at mayamaya ay namaalam na sa ganitong pananalita: "Abigail, lahat ng kapatid mo, alagaan mo."

Namatay si Olivia noong ika-2 ng Mayo 2009. Siya'y 37 taong gulang pa lamang. Matapos mamatay, nahinto sa pag-aaral si Abigail at ang dalawa pa niyang kapatid. Ang tatlong pinakabatang kapatid, kasama ang sanggol, ay nakatakdang ipaampon.

Ilan pang kuwento ng mga Olivia ang kailangan naming ilahad bago kayo maniwala? Ilan pang mga Olivia ang kailangang mamatay bago kayo magsimpatiya?

Sa araw na ito ay nagdala kami ng labing-isang kandila, simbolo ng labing-isang kababaihang namatay na o mamamatay pa ngayong araw. Sa pagsindi sa bawat isa, inaalala at pinaparangalan namin ang buhay ng bawat babae, na sa kanya-kanyang paraan ay nagbigay ng pagmamahal at liwanag sa kanyang anak, sa kanyang asawa, sa kanyang kaibigan, sa kanyang kapatid, sa kanyang magulang, sa kanyang komunidad, sa kanyang pagawaan, at malamang, maging sa kanyang simbahan.

Sa paisa-isang pagtirik namin ng labing-isang kandila sa harap ng inyong tanggapan, itinatanim namin sa alaala ang masasakit na salitang ginamit ninyo para maliitin ang pagkamatay ng mga ina. Itinatanim namin sa alaala ang sobrang tinding mga aksyon na ginawa ninyo laban sa RH bill, at ang walang pakialam na pagbalam ng batas na maaari sanang nagligtas sa karamihan ng mga ina.

Mahigit apat na libo ang namamatay bawat taon sa komplikasyong maternal, pagkamatay na maaaring maiwasan sa edukasyon at serbisyong RH. Kaming lahat ay mahigit isang libo lamang, na hihiga sa kalye sa harap ng inyong tanggapan upang ilarawan sa inyo, nang kahit bahagya lamang, ang laki ng trahedyang ito: mga buhay na nawala, mga anak na naulila, mga pangarap at pagmamahalang napatid, paglilingkod sa lipunan na natapos.

Aalis kami sa inyong tanggapan na kasingpayapa ng aming pagdating. Iiwan lang namin ang mga kandila na aandap-andap ang sindi. Nawa'y dumampi sa inyong puso at isipan ang alaala ng labing-isang kababaihang namatay ngayong araw.

Gumagalang,

(pinirmahan)

Ernesto M. Pernia, Ph.D.
Professor, UP School of Economics, formerly Lead Economist, ADB             

Elena E. Pernia, Ph.D.
Professor, UP College of Mass Communication • formerly Dean of UPCMC       

Mr. Benjamin De Leon
President, The Forum for Family Planning & Development, Inc. • POPCOM Commissioner

Sylvia Estrada Claudio, MD
Professor, Women & Development Studies • Director, University Center for Women's Studies, University of the Philippines

Ms. Rina Jimenez-David
Chair, Pilipina, Inc.

Alberto G. Romualdez, Jr., M.D.
Dean, Graduate School of Health Sciences, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila • former Secretary of Health • Vice-President Forum for Family Planning & Development

Ms. Elizabeth Angsioco
National Chairperson, • Democratic Socialist Women of the Philippines           

Junice Lirza D. Melgar, MD
Executive Director, Likhaan Center for Women’s Health Inc.              

Ms. Teresita Borgonos
National Vice-Chairperson, MAKALAYA

Ms. Mina Malabed
RH Coordinator, MAKALAYA  

Mr. Ryan Tani
President, Filipino Freethinkers            

Ms. Ging Cristobal
Lesbian Advocates Philippines, Inc.

Ms. Magdalena Bacalando
President, Pinagsamang Lakas ng Kababaihan at Kabataan

Bb. Lotlot dela Cruz
Secretary General, KAISA KA

Ms. Gloria Santos, President, KUMPAS

Ms. Rhoda Avila
Secretary General, Democratic Socialist Women of the Philippines

Ms. Mercedes Donor
VASRA Q.C. Leader, Piglas Kababaihan

Ms. Malu Pontejos
KPML

Ms. Amy Amar
Secretariat, Partido Lakas ng Masa          

Ms. Tessie dela Cruz
RH Advocate, Zone One Tondo Organization              

Atty. Grace Bondad Nicolas
Founder, Do It Right Advocacy

at marami pang iba na pumirma sa rally (kukumpletuhin kapag natipon na ang listahan)