Mga Aktibista Nag-training sa IT

Share this

“Makapal ang mukha namin!”

Ito ang bukang-bibig ng 12 na aktbista mula sa apat na komunidad* ng Likhaan na lumahok sa training sa pagiging “peryodista” nuong Nobyembre 28, Disyembre 5 at Disyembre 11, 2010.

Tawanan at harutan ang namutawi sa computer lab ng University of the Philippines Center for Women's Studies (UPCWS) na co-sponsor ng training. Ikinatuwa ng ma kilalalang peryodista at manunulat na samahan ang mga kababaihan at kabataang trainee na magbukas ng email account, magsimulang mag-blog, magsulat ng news at features, at mag-register sa tweeter at facebook. Sa pangalawang linggo ng training, sinakop ng mga trainee ang buong UPCWS ng inensayo nila ang pagkuha ng iba't ibang klase ng litrato tulad ng jump shots, panning, bird's-eye-view, worm's eye view at close ups. Ikinatuwa ng mga trainee ang paghawak sa mga bagong camera na binili na proyekto. Sa huling araw ng training binigyan sila ng mga password para sa sarili nilang mga account sa isang online na dyaryo, “Boses ng Komunidad”. Tinuruan pa silang mag-format ng mga sinulat nila o mag-edit ng mga litrato bago nila ilathala ang mga ito sa nabanggit na dyaryo.

Ang mga training ay isinagawa sa ilalim ng isang peministang pananaliksik na may pamagat na “Mula sa lokal at personal patungong sa nasyonal at institusyonal: Paggamit ng internet para sa kampanyang ipasa ang RH bill.” Ito ay parti ng isang mas malawak na programang pananaliksik na may pamagat na "Gender, Pagiging Mamayan at ang Lipunang IT, na pinangungunahan ng “IT for Change” sa India na pinopondohan ng organisasyong “International Development Research Centre.”

Sa mga aktwal na ensayo, sinimulan ng mga aktibistang trainee na isakatuparan ang panawagan ng pangunahing mananaliksik na si Sylvia Estrada Claudio na, “ipakita sa bayan at sa mundo ang inyong mga saloobin upang maintindihan ng mga kongresista na ang reproductive health ay tungkol sa inyong mga kagustuhan, pangangailangan at pang-araw-araw na realidad.” Karaniwang pangyayari sa training na halos makalimutan ng mga kalahok na kumain upang matapos ang kanilang isinusulat o inaayos. Madalas din silang humiling ng “mag-overtime”.

Nahawa sa kanilang kakulitan ang mga nagturo, kaya't ipinamahagi nila ang kanilang mga email address para makapag-konsulta ang mga trainees “anytime”.

Kasing halaga ang pa-ulit-ulit na pagbanggit ng mga nagturo at ibang miyembro ng research team na, “kaya niyo yan.” Ayon kay Leloy Claudio, isa sa mga nagturo, “ang internet ay pinaghaharian ng mga makapangyarihan at mayayaman. Hindi madaling makapasok ang boses ng mga taga-komunidad. Pero magagamit pa rin natin ito. Maging matapang, sa totoo lang, pakapalan lang po ng mukha.”

Binanggit ni Ibarra M. Gutierrez III, co-reseracher at editorial consultant sa pagtatapos na, “maging pasensyoso, praktis lang ng praktis at huwag mawalan ng tiwala sa sarili. Lahat tayo ay reporter na ngayon.”


* Malabon, Manila, Pasay at San Jose del Monte (Bulacan), ilan sa mga komunidad na may miyembro ang PILAKK (Pinagsamang Lakas ng Kababaihan at Kabataan)